Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at mag-palipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
Ano kaya ang naging sukatan ni Jesus sa pagpili sa kanyang labindalawang apostoles? Kung susuriin ayon sa ating makataong pagtingin, mukhang masasabi nating hindi naman sila karapat-dapat dahil hindi naman sila ang pinaka-matuwid at kinikilalang mga banal. Si Mateo ay isang kubrador ng buwis na kilalang makasalanan. Si Pedro ay matigas ang ulo at itinakwil si Jesus sa panahong Siya’y nagdurusa sa kalbaryo. Si Judas Iscariote naman ay ipinagkalulo si Jesus. Kung tayo siguro ang pi pili sa mga apostoles, hindi natin pipiliin ang mga tulad nila. Gayunpaman, nabubukod-tangi ang pamamaraan ni Jesus. Bago pa pinili ang labindalawa, nanalangin siya sa burol. Hindi siya nagsulat ng listahan upang maging batayan sa pagpili. Sa halip, nanalangin at nagtiwala Siya sa kalooban ng Diyos Ama at tinanggap kung ano mang magaganap. Sa ating mga pagpili o desisyon, kadalasan ay marami tayong mga kondisyon pero nakakalimutan natin ang pakikinig sa kalooban at plano nang Diyos para sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023