Ebanghelyo: Mateo 21:33-43, 45-46
“Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng mayari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.
Nagpadala uli ang mayari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pagaakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay.
Ngayon, pagdating ng mayari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.”
At sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahangahanga ang ating nakita.’ Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.
Nang marinig ng mga punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, naunawaan nila na sila ang pina tutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.
Pagninilay
Ang talinhagang tinuran ni Jesus ay sumasalamin sa kasaysayan ng kaligtasan at ng pagkatao ng mga Punong pari at mga guro ng Batas. Nilikha ng Diyos ang sanlibutan; binigyan ang tao ng kalikasan para sa kanyang pangangailangan upang mabuhay; pinadala ang mga propeta at piling tao upang gumabay at magpaalalang ma natiling matapat sa relasyon sa Diyos; at hinirang ang tao sa lahat ng nilalang. Ngunit ito’y inabuso at pinabayaan. Nilapastangan ang kalikasan at pinabayaan ang mga nasa laylayan. Pinadala ang mga propeta at mga pinili ng Panginoon ngunit sila’y itinakwil at pinatay. Dumating ang oras ng paglilig tas sa pamamagitan ng kanyang anak, ngunit itinakwil siya ng mga tao. Ang mga punong pari, mga pariseo, mga guro ng Batas ay pawang tumanggi sa anak ng Diyos. Dahil dito, inalay ni Jesus, ang anak ng Diyos, ang kanyang sarili upang ipakita ang pagibig ng Diyos at handa siyang mamatay para sa ating kaligtasan. Ito ang ating inaalala sa panahon ng Kuwaresma. Pagnilayan natin ang mga panahon na hindi natin tinanggap ang Panginoon at pagsisihan natin ito upang tayo’y maging karapatdapat na makibahagi sa kaligtasan na binigay sa atin ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023