Ebanghelyo: Mateo 17:1-9
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na putingputi ang kanyang damit gaya ng liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipagusap kay Jesus.
Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.”
Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.”
Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.”
Pagninilay
Pagliliwanag sa Bagong Anyo ni Jesus, natuklasan ng mga alagad ang kanyang pagkaDiyos. Sa tradisyon ng Banal na Kasulatan, simbolo ng pakikipagtagpo ng Diyos ang bundok. Ito rin ang nangyari kay Moises. Nabago ang kanyang mukha nang makatagpo niya si Yahweh sa bundok ng Sinai. Isa itong kamanghamanghang karanasan nina Pedro, Santiago, at Juan. Nagwika si Pedro kay Jesus na mas mabuti pang manatili na lamang sila sa bundok. Nais ni Pedro na manatili na lamang sa luwalhati, ngunit kailangan nilang bumaba upang tupdin ang misyon ni Jesus.
Sa gitna ng kanilang pagkamangha, nakaramdam sila ng takot nang marinig nila ang tinig na nagsabi, “ito ang pinakamamahal kong anak na labis kong kinalulugdan, pakinggan ninyo Siya.” At nagwika si Jesus, “tumindig kayo at huwag matakot” sapagkat kasama nila Siya. Siya ang Anak ng Diyos, at siya’y Diyos kaya’t walang dapat katakutan.
Mainam na manatali na lamang tayo sa komportable at maganda nating kalagayan. Ngunit tulad ni Abraham, kailangang lisanin ang nakasanayan na maginhawang kalagayan at magtungo sa lugar na walang kasiguruhan upang tupdin ang plano ng Diyos. Si Jesus, bagama’t Anak ng Diyos at mismong Diyos, ay bumaba at nakipamuhay sa sangkatauhan. Siya’y nakibahagi sa karanasan ng tao sa paghihirap at pagpapakasakit hanggang sa kamatayan upang ipakita ang pagibig at pagkamahabagin ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023