Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
“Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
“Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”
Pagninilay
Tunay na hindi madali ang pagsunod kay Jesus at sa kanyang mga aral. Sa ebanghelyo, ibinigay ni Jesus ang isang turo na madaling sabihin ngunit mahirap gawin, ang ibigin ang kaaway. Hindi lamang pagibig sa kaaway ngunit ang pagdarasal din para sa mga taong umuusig sa atin. Hindi madali ngunit ito ang daan sa kabanalan. Ito ang layon ng ating pagsunod kay Jesus, na tayo’y maging banal pagkat mga anak tayo ng Diyos. Kung tayo’y mga anak ng Diyos, marapat lamang na tayo’y maging katulad niya na banal. Tanda ng kabanalan ang pagibig na walang pinipili, pagibig para sa lahat. Ito rin ang ipinakita ni Jesus sa kanyang buhay. Kahit may mga taong hindi tumatanggap sa kanya, patuloy siya sa pag mamahal. Sa kanyang pag pa pakasakit, humingi siya ng tawad para sa mga taong umuusig sa kanya. Nawa’y ma puno tayo ng pagibig na walang pinipili upang maging marapat tayong tawaging mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023