Ebanghelyo: Mateo 7:7-12
“Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pag bubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya.
“Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Kinikilala natin ang Diyos bilang maawain tulad ng isang amang nagmamahal at umaaruga sa kanyang mga anak. Batid niya ang ating mga pangangailangan, alam niya ang mga hangarin ng ating mga puso. Kung ganun, bakit kailangan pa tayong mag dasal? Ano ang halaga ng ating mga dasal kung may plano ang Diyos sa bawat isa sa atin? Nakikinig ang Diyos sa ating mga panalangin at batid niya kung ano ang dapat na ibigay para sa ating kabutihan. Sa ating mga dasal, ating inaalay sa Diyos ang ating mga pagsusumamo at pangangailangan. Kinakailangan nating dalisayin ang mga hangarin natin upang maging ayon sa plano ng Diyos. Magiging makahulugan at mabunga ang ating mga dasal at pagsusumamo kung ito ang makapagpapabago sa atin. Nang sa gayon, ang ating mga puso ay maging tulad sa puso ng Panginoon at ang ating mga hangarin ay tunay na naaayon sa plano ng Diyos. Ang ating mga dasal ay marapat ding samahan ng mga gawa at pagsusumikap, sapagkat ang grasya ng Diyos ay kumikilos sa ating mga pagsusumikap.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023