Ebanghelyo: Juan 19:25-27 (o Lucas 2:33-35)
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
Pagninilay
Ngayon ay ginugunita natin ang nagdadalamhating Ina, si Santa Mariang Birhen, sa kanyang pagtahak sa daan ng Krus ni JesuKristong kanyang bugtong na Anak. Ang pinakamasakit na karanasan sa isang ina ay ang matunghayan ang pagdurusa at kamatayan ng kanyang anak. Gayunpaman, ito ay tinanggap ni Santa Maria sa kanyang puso bilang isang lingkod ng Diyos. Sa paghabilin ni Jesus sa kanyang ina kay Juan, inihabilin niya ang kanyang Ina na maging Ina ng Simbahang kanyang itinayo sa pamamagitan nang mga Apostoles. Si Santa Maria’y nag papatuloy na kapiling natin sa ating paglalakbay sa buhay Kristiyano. Ang kanyang pagkamapagpakumbabangloob at pagkamasunuring alagad ng Diyos ay gumagabay sa atin tungo sa kabanalan. Nang sa gayon, tayo rin ay magtamasa ng kapurihan sa langit na ipinagkaloob ng kanyang Anak. Ang buhay ni Santa Maria’y nagpapaalala na matapos ang mga kalungkutan at pighati dito sa mundo, mayroong kapurihang naghihintay sa atin sa Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023