Ebanghelyo: Marcos 9:30-37
Umalis sila roon at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya.
Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinaguusapan ninyo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una.
Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.”
At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Ako ang tinatanggap ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito sa aking pangalan. At hindi ako kundi ang nagsugo sa akin ang tinatanggap ng sinumang tumatanggap sa akin.”
Pagninilay
Sa sistema ng pulitika, may mga taong nagsisikap ma palapit at maging malapit sa mga kilala at makapangyarihan upang sila rin ay mabigyan ng magandang posisyon o trabaho. Isa itong realidad na naging karaniwan na at naging bahagi ng sistema hindi lamang sa pulitika kundi maging sa institusyon ng pag gawa. Dahil sa sistemang ito, maraming mga tao ang napagkaitan ng oportunidad para sa kanilang kinabukasan. Tinuturuan tayo ni Jesus na ang tunay na kahulugan ng posisyon ay ang mapagpakumbabang paglilingkod sa mga tao at ang matuwid at tamang serbisyo na walang pinipili. Ayon pa kay San Antonio Ma. Claret, ang kababaangloob ang bukal ng iba pang kabutihang asal. Sa mapagpakumbabang paglilingkod, mabibigyang pansin ang lahat, lalo’t higit ang mga maliliit sa komunidad na larawan ng batang pinatindig ni Jesus sa gitna ng kanyang mga alagad. Nawa’y sundin natin ang halimbawa ni Jesus sa kanyang mapagpakumbabang paglilingkod.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023