Ebanghelyo: Mateo 5:38-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sa pagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di makatarungan.
Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang na iiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Hindi madali ang maging tagasunod ni Jesus sapagkat di rin madali ang kanyang mga utos. Tinuturuan tayo ni Jesus na ibigin hindi lamang ang mga taong malapit sa ating puso; pamilya, kamaganak at mga kaibigan. Hinihimok din tayong ibigin ang ating mga kaaway – mga taong laban sa atin at kontra sa ating kalooban; yaong mga nanakit at mga malayo sa ating puso. Tunay na hindi madali! Tinatamaan nito ang ating “pride.” Pero ito ang daan sa ganap na pagsunod kay Kristo.
Pinapaalalahanan tayo ng unang pagbasa na makakamit ang kabanalan sa pagtitiyaga, pagpapayo sa kapuwa, at pagpapatawad. Nais nang Diyos Ama na tayo’y maging banal sapagkat ang Panginoon ay banal. Tayo’y nilikhang kawangis Niya. Kaya’t pagsumikapan nating manatiling banal katulad ng Panginoon.
Sa binyag, nalinis tayo sa dumi ng pagkakasala, natatakan ng biyaya ng Espiritu Santo at naging buhay na templo nito. Sa kumpil, pinatatag ang biyayang ito ng Espiritu Santo upang tayo’y maging saksi ng pagibig ni Jesus para sa lahat, ang pagibig na walang tinatangi. Dahil dito, marapat nating kilalanin ang Panginoon sa ating kapuwa at mahalin ang lahat gaya ng pagibig ni Jesus. Ang pagibig na walang pagtatangi ang daan sa kabanalan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023