Ebanghelyo: Marcos 8:34—9:1
At tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad pati ang mga tao, at sinabi: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magliligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan ng sarili alangalang sa akin at sa ebanghelyo ang magliligtas nito.
Ano ang pakinabang na tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? At ano ang maibibigay ng tao para mabawi ang kanyang sarili? Ang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa harap ng di tapat at makasalanang lahing ito ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niyang taglay ang luwalhati ng kanyang Ama, kasama ng mga banal na anghel.
At idinagdag ni Jesus: “Totoong sinasabi ko sa inyo na dinaranas ng kamatayan ang ilan sa mga naririto hanggang hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Pagninilay
“Limutin ang sarili, pasanin ang krus at sumunod sa akin.” Ito ang mga kondisyon ni Jesus sa mga gustong sumunod sa kanya. Ang pagkakait sa sarili ay ang pagaalay ng sarili sa paglilingkod. Kaakibat nito ang pagtakwil sa pansariling hangarin na hindi ayon sa kalooban ng Diyos upang manahan si Jesus sa atin at tayo’y maging saksi niya. Ang paglimot sa sarili ay nagbibigay daan upang mapag lingkuran ang iba lalo’t higit ang maliliit. Ang pagpasan sa mga krus ay ang pagtupad sa mga tungkuling atas na paglilingkod sa Diyos. Kaakibat nito ang pagharap sa mga suliranin sa buhay ng may pananalig sa Diyos. Ang isang tagasunod ni Jesus ay hindi tumatakas sa responsibilidad at mga pagsubok sa buhay. Siya ay humaharap dito ng may buong tiwala at pananalig sa Diyos. Si Jesus ang daan sa buhay na walang hanggan. Kaya’t sumunod tayo sa kanya sa daan ng krus sa pag lilingkod at kabanalan na siyang naghahatid sa kaligtasan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023