Ebanghelyo: Marcos 8:27-33
At pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta kaya.”
At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro: “Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.
At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punongpari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus, nakita niya na naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan niya si Pedro: “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.”
Pagninilay
Makalipas ang ilang pagkakataong nabigo ang mga alagad ni Jesus sa pagsalig at pagkilala sa kanya bilang Panginoon, dumating na ang oras kung saan nakilala na nila si Jesus sa pamamagitan ng pagpapahayag ni Pedro, “Ikaw ang Kristo.” Subalit hindi pa rin nila naunawaan ang pagkaDiyos ni Jesus. Hindi nila matanggap na si Jesus, ang Diyos, ay kailangang magpakasakit, magdusa, mamatay at mabuhay muli upang matupad ang kanyang misyon sa sanlibutan. May iba’tibang inaasahan ang mga alagad sa paghahari ni Jesus. Ang ina ng mga anak ni Zebedeo ay nagaasam na makaupo ang kanyang mga anak sa kanan at kaliwa ng trono. Iniisip nila na ang paghahari ni Jesus ay tulad sa politikal na hari. Ang tunay niyang paghahari ay hindi naka ayon sa batayan ng mundo. Ang kanyang paghahari ay ang pagtanggap kay Jesus sa ating buhay, na siya ang Manahan sa ating mga puso. Siya ang hari na hindi nakaupo sa gintong trono. Siya ang hari na kaisa sa paglalakbay ng kanyang bayan sa pighati at paghihirap upang maibahagi sa atin ang luwalhati ng Muling Pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023