Ebanghelyo: Mateo 19:3-12
At lumapit sa kanya ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anu mang dahilan?” Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpa alis sa kanyang asawa, maliban kung dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking mayasawa, walang pakinabang sa pagaasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapagaasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pagaasawa alangalang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
Pagninilay
Kapag Ang kasal ay isang bokasyong tulad rin ng pagpapari o pagmamadre. Ang bokasyon ay isang tawag ng Diyos kung saan tayo’y lalago patungo sa kanyang kalooban at sa ating pagtugon. Sa pagpili ng bokasyon, kailangan ang masusing pagpili, kasama ang pananalangin upang ang tumpak na kalooban ng Diyos ang mangyari. Sa prosesong ito, matutuklasan natin ang kaginhawahan sa ating mga buhay na naaayon sa plano ng Diyos. Dito rin natin makakamit ang kasiguraduhan sa ating pagpili at kahit mayroong mga hirap at kabiguan, atin itong mapaninindigan dahil ito’y mula sa ating sariling pagtugon. Kaya nararapat talaga na gabayan ang mga kabataan sa pagpilli sa kanilang tatahaking landas mula sa tawag ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023