Ebanghelyo: Marcos 3:1-6
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik.
Kaya galit niyang tiningnan silang lahat at lubhang nalulungkot sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong mga kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagninilay
Batid ni Jesus ang isip ng mga pariseo, lalo’t higit sa pagpapatupad ng batas ng Araw ng Pahinga. Kaya kanyang itinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Batid ng mga Pariseo ang kasagutan. Pero sila’y nanahimik pagkat nananatili sila mga titik ng batas, na nagsasabing walang dapat gawin sa Araw ng Pahinga. Minsan, ito rin ang ating karanasan. Pinipili nating manahimik upang hindi tayo mapahiya sa ating taliwas na prinsipyo, hindi natin mabitawan sa takot na mapahiya. Sa ganitong tagpo, itinuturo ni Jesus na ang kahalagahan ng batas ay nakabatay sa pagtataguyod nito ng buhay at ng kung ano ang mabuti. Nagiging mahalaga ang batas kung ito’y nagbibigay ginhawa sa buhay ng tao at nagpapaunlad nito. Ito rin ang hamon sa Simbahan, na ang pagpapatupad ng batas ay hindi magpahirap sa mga tao at humadlang sa kanila sa paglapit sa Simbahan, bagkus ay makatulong na mapalapit ang tao sa Diyos at lumago sa kanyang pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023