Ebanghelyo: Marcos 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom – siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Para sa mga Hudyo, lubhang mahalaga ang Araw ng Pahinga kaya mahigpit na pinagbabawal ang paggawa ng anumang bagay. Ito ang araw ng pag-alala at pagpasalamat sa pagkaligtas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Kung kaya nga’t mahigpit ang pagbabantay ng mga pariseo sa sinumang lalabag dito, tulad ng mga alagad ni Jesus na nanguha ng mga butil at kumain nito. Hindi pinansin ng mga pariseo kung ano ang dahilan ng naturang ginawa ng mga alagad. Para sa kanila, mas mahalaga ang batas kaysa sa pangangailangan ng tao. Naging paraan ito ni Jesus sa pagtuturo ng dapat na pagtingin at pagsunod sa batas. Ang batas ay ginawa para sa tao, hindi ang tao para sa batas. Ang layunin ng batas ay makapagbigay ng kabutihan at kaayusan sa sangkatauhan. Magiging mahalaga at kapaki-pakinabang ang mga batas kung nakakamit nito ang kanilang layunin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023