Ebanghelyo: Marcos 2:18-22
At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
Maraming beses, sa ebanghelyo ni San Marcos, na nakikipagtalo ang mga Pariseo kay Jesus tungkol sa pagsunod sa mga kautusan tulad ng pagaayuno. Tanda ng hinagpis at pagsisisi ang pag-aayuno. Para sa mga alagad ni Juan Bautista, ang pag-aayuno ay bahagi ng kanilang kagustuhang baguhin ang sarili para sa pagdating ng Mesiyas. Subalit para sa mga Pariseo, kinakailangan itong sundin sapagkat ito ang nakasulat sa kautusan. Napako sila sa mga titik ng batas. Hindi nila makilala at matanggap na si Jesus ang Mesiyas. Siya ang hinihintay na magpapanibago sa buhay ng sangkatauhan. Kaakibat ng pagtanggap kay Jesus ang hangaring magbago, ang talikdan ang mga lumang gawi na taliwas sa kalooban ng Diyos. Kasama na rito ang mga nakagawiang gawa at paniniwala na hindi maka-Kristiyano. Kung tunay na bukas ang ating mga puso sa pagtanggap kay Kristo, makaaasa tayong may pagbabagong magaganap sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023