Ebanghelyo: Marcos 2:13-17
Muli siyang pumunta sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya.
Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
“Sumunod ka sa akin.” Walang pag-aalinlangang iniwan ni Levi ang kanyang trabaho at agad na sumunod kay Jesus. Isang kilaláng makasalanan, sumama kay Jesus at nakisalo pa sa ibang makasalanan. Para sa mga Pariseo at mga guro ng batas, isang iskandalo ang kanilang nasaksihan. Subalit sa ganitong pagkakataon ipinapakita ni Jesus ang kanyang pakay na hanapin ang mga nawawalang tupa at ibalik ito sa kawan ng Panginoon. Ganito rin ang misyon ng Simbahan na ayon sa Santo Papa Francisco, “ang simbahan ay hindi lamang sa mga walang kasalanan kundi para sa mga makasalanang nangangailangan ng awa ng Diyos.” Lahat ay tinawag na sumunod kay Kristo. Ang pagsunod na ito ang tunay na makapagpapabago at siya ring daan pabalik sa biyaya at awa ng Diyos. Nawa’y maging malapit ang Simbahan lalo’t higit sa mga napalayo sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023