Ebanghelyo: Marcos 1:7-11 (o Lucas 3:23-38)
At ito ang sinabi niya sa kanyang pangangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”
Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon niya mula sa tubig, nakita niyang nahawi ang langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
Pagninilay
Ang isang anak na masunurin at tapat ay nagbibigay karangalan sa kanyang mga magulang. Dahil dito’y kalulugdan ng magulang ang kanyang anak. Si Jesus sa tuwina ay tapat at masunurin sa Diyos Ama at sa kalooban nito. Bagama’t siya’y Anak ng Diyos, minabuti niyang magpabinyag at sundin ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbibinyag, nakiisa si Jesus sa mga tao. Sa tubig ng binyag, tayo’y namatay sa ating mga kasalanan, naging kaisa ni Jesus at nanalig sa pangako ng muling pagkabuhay. Bilang mga binyagan, maging matapat tayo sa ating pananampalataya sa Diyos, upang tulad ni Jesus, tayo ay maging kalugod – lugod sa Diyos Ama. Ang ating pagsaksi sa ating pagiging binyagan ay nagpapakita ng ating pagiging inangking anak ng Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023