Ebanghelyo: Juan 1:43-51
Kinabukasan, niloob niyang lumabas pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe. Sinabi ni Jesus sa kanya: “Sumunod ka sa akin.” Taga Betsaida si Felipe na kababayan nina Andres at Pedro. Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.”
Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.”
Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”
Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”
Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Natagpuan ni Jesus si Nataniel sa ilalim ng puno ng igos. Simbolo ng bayan ng Israel ang puno ng igos, gayundin ito’y tanda ng pagdarasal. Ang mga alagad upang maging isang guro ay madalas na nagdarasal sa ilalim ng puno ng igos. Malamang na nagdarasal si Nataniel nang matagpuan siya ni Jesus. Para sa mga Hudyo, ang isang taong nagdarasal na hindi nananalangin sa pagdating ng Mesiyas, ay hindi tunay na nagdarasal. Samakatuwid, ang pananalangin ni Nataniel sa ilalim ng puno ng igos ay ang kanya ring paghihintay sa pagdating ng Mesiyas kung kaya’t winika ni Jesus na isa itong tunay na Israelita. Dahil sa kanyang taimtim na pagdarasal, nakilala niya agad si Jesus bilang Mesiyas. Ang isang taong madasalin ay mas nakakakilala sa Panginoon. Sa pananalangin mas napapalalim ang pagkilala at relasyon sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023