Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataastaasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David.
Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Dumating na ang sandali na pinaghandaan ng Diyos simula nang magkasala ang ating unang mga magulang. Nilikha ng Diyos ang tao bilang Kanyang kawangis at pinagkalooban ng malayang pagpapasiya upang ang alok na pagibig ng Diyos ay suklian din ng pagibig na bukal sa loob. Sayang, ginamit nina Adan at Eba ang kalayaang ito upang sumuway sa Diyos. Dahil dito nawala rin ang lahat na bunga ng mabuting pakikipag-ugnayan ng Diyos at ng tao. Nagsimula ang paghihirap, pagkapoot sa isa’t isa, pagsasamantala sa kahinaan ng kapwa at, sa huli, dumating ang kamatayan.
Muling nagsimula ang Diyos at sa loob ng mahabang panahon ay inihanda ang Kanyang bayan upang mula sa Kanya ay uusbong ang isang lubusang tatalima sa Diyos. Ang Diyos ay naging tao at isasakatuparan Niya ang nabigong gawin ng unang mga magulang. Tatalima Siya hanggang kamatayan. Pero kailangan ng babae na magdadala sa Kanya sa sinapupunan at magiging Kanyang ina. Pinili at inihanda ng Diyos si Maria at sa sandali ng pagbabalita sa kanya ng anghel hindi nabigo ang Diyos. “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Salamat Maria, binuksan mo ang pintuan tungo sa aming kaligtasan!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022