Ebanghelyo: Mateo 1:1-17
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid.
Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron, at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon.
Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si Obed naman ang ama ni Jese.
Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina.
Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias.
Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel.
Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob.
Si Jacob ang ama ni Jose ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo.
Pagninilay
Ang Ebanghelyo ngayong araw ay paulit-ulit at talagang nakakaantok! Sa simula ay binanggit si Abraham bilang puno ng lipi at sa huli ay binanggit naman si Jose na asawa ni Maria na ina ni Jesus. Hindi natin kilala ang mga nasa gitna pero ang bawat isa ay mahalaga dahil siya ang koneksyon mula kay Abraham. Iba’t iba ang kanilang ugali at tulad natin hindi lahat sa kanila ay banal. Ano ang makukuha nating aral mula sa ganitong pagkilos ng Diyos?
Una, iginagalang ng Diyos ang takbo ng panahon. Iginagalang din Niya ang kakayahan nating mga tao. Kasama na rito ang pagtanggap na sa buhay ay may pagkakamali, may pagkasira at may pagkakasala. Bahagi ito ng paglago. Sa lahat ng ito ang pagkilos ng Diyos ay nananatili. Sa pagkakamali, ang Diyos ay naroon upang magtama. Sa pagkasira, ang Diyos ang nagsasaayos at sa pagkakasala ang Diyos ang nagpapatawad. Alam ng Diyos na tayo bilang mga tao ay hindi perpekto kaya sa paglalakbay tungo sa pagkakatawang- tao ng Ikalawang Persona laging nakaalalay ang Diyos: nagtitiyaga, umuunawa at nagpapatawad. At sa buong panahon naroon lagi ang pagsisimula hanggang dumating ang pagsilang ng manunubos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022