Ebanghelyo: Juan 5:33-36
“Nagpasugo kayo kay Juan at binigyang-patunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag.
“May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama.”
Pagninilay
Nagsisimula tayo ngayon ng nobena bilang paghahanda para sa pagdating ng Pasko, ang paggunita ng pagkakatawangtao ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Simula rin ngayon ng mga simbang gabi. Siyempre ang pagsilang ni Jesus ay naganap na humigit dalawang libong taon na ang nakalilipas pero ang kahalagahan nito ay nananatili kaya dapat lamang na bigyan natin ng pansin.
May mga nangangako na sisimba sila nang kumpleto mula Disyembre 16 hanggang 24. At siyempre pa ang pinakatampok ay ang pagsisimba sa Pasko. Pero, bakit nga ba sisimba? May ang sagot ay: “Basta!” at tapos na ang usapan. May nadadala naman ng barkada kaya hindi pumapasok ng simbahan at doon lang sa labas at tuloy ang kwentuhan at pagtext. At mayroon din naman na sumisimba upang ihanda ang sarili sa pamamagitan ng pakikinig ng mga pagbasa, pagninilay at pagsasabuhay nito. Hindi ito kumpleto kung hindi siya nagkukumpisal. Kung may mga sama siya ng loob, sila ay kaniyang pinatatawad. Nais niya kasi na pagdating ng pasko maging tunay ang kanyang kaligayahan dahil ito ay nararamdaman ng isang may malinis na puso at tunay na nagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022