Ebanghelyo: Mateo 17:9a, 10-13
At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain.
Tinanong naman siya ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” At sumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At sa gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
Alam ni Jesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Nangyari na ito kay Juan Bautista. Siya rin ay magbabata ng hirap at papatayin. Pero alam din Niya na Siya ay muling mabubuhay pagkatapos ng tatlong araw. Ano kaya ang damdamin ni Jesus tungkol dito? Totoo na si Jesus ay tao at Diyos. May mga karanasan Siya bilang tao, halimbawa ay ang pangangailangan na kumain at uminom. May mga karanasan din Siya bilang Diyos tulad ng paggawa ng mga himala at pagpapatawad ng mga kasalanan. Bilang tao natatakot si Jesus sa pagdaraanan Niyang pasakit, kaya sa halamanan ng Getsemani, hiniling Niya sa Diyos Ama na alisin ang paghihirap na daranasin pero bilang masunuring anak ipinaubaya Niya ang sarili sa kalooban ng Ama para sa Kanya. May kaugnayan ito sa ating sariling buhay. Ayaw natin na mahirapan.
May mga kasalanan na nagagawa dahil sa pag-iwas sa hirap tulad ng pagnanakaw, pandaraya at pagsisinungaling huwag lamang maparusahan. Kung si Jesus na Diyos ay tumanggap ng paghihirap, tayo pa kaya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022