Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
“Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
Ngayon mo lang ba narinig o nabasa ang mga salitang ito? O maaaring narinig mo na dati. Alin man sa dalawang ito mayroon laging reaksyon. Halimbawa, pagdududa: “Totoo kaya iyon?” Pagpapatunay: “Ay, totoo yan! Ganyan ang nangyari sa akin.” Ang iba ay kahilingan, “Sana magkatotoo!” “Sana all.” Mayroon din namang hindi talaga naniniwala, “Hindi yan totoo!”
Ang mga nagsasalita ay mga tao, kaya may kanya-kanyang opinyon. Pero sa Ebanghelyo ang nagsasalita ay si Jesus, ang Diyos na naging tao at si Jesus ay iisa lamang ang Kanyang pakahulugan: “Magtiwala sa Diyos, ipaubaya sa Kanya ang inyong mga pasanin at hindi kayo mabibigo.” Kaya, sino ngayon ang paniniwalaan, si Jesus o ang sariling opinyon? Kung ipagpipilitan ang sariling opinyon, tuluyan na niyang isinasadlak ang kanyang buhay sa kabiguan at kapahamakan. Wala naman kasi siyang magagawa. Kung meron ay hindi na sana niya nararanasan ang nangyayari sa kanya ngayong hindi maganda. Kung matututo namang magpakumbaba at susunod sa halimbawa ni Jesus, hindi siya bibiguin ni Jesus. Si Jesus mismo ang nag-aanyaya na lumapit sa Kanya at pagiginhawahin tayo. Nasa atin ang desisyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022