Ebanghelyo: Mateo 9:35 – 10:1, 5a, 6-8
“At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
“Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may-ketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.”
Paninilay
Nakita ni Jesus kung gaano karami ang mga nangangailangan na makarinig ng Mabuting Balita, na gumaling sa kanilang mga karamdaman, at maibalik ang mga naliligaw ng landas at sumampalataya sa Diyos. Pero may problema: Siya ay nag-iisa at hindi Niya kaya na maging nasa maraming lugar nang sabay-sabay. Iisa lamang ang Kanyang katawan. Ano ang solusyon ni Jesus? Nagsugo Siya ng mga alagad at binigyan Niya sila ng kapangyarihan na katulad ng kapangharihan Niya.
Ano ang nasa likod ng mga pagkilos ni Jesus na siya rin namang magiging layunin ng mga sinugo? Ito: Palapit na ang kaharian ng langit! Sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at paggawa ng mga himala malalaman at mararamdaman ng mga tao na hindi sila kinalimutan ng Diyos. Tapat Siya sa Kanyang mga pangako sa kanilang mga ninuno. At kung paanong si Jesus ay hindi nagpabayad sa Kanyang pagpapagaling at pagpapalayas ng mga demonyo, ganun din ang gagawin ng Kanyang mga sinugo. Bukod sa pagsugo ni Jesus sinabi rin Niya na magdasal upang ang Panginoon ng ani ay magpadala ng mga manggagawa sa kanyang ani.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022