Ebanghelyo: Lucas 13:10-17
Nagtuturo siya sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nagkakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit.” Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos.
Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!”
Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na anak ni Abraham na labingwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?”
Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahangahangang ginagawa ni Jesus.
Pagninilay
Napakabait ni Jesus. Hindi naman lumapit sa kanya ang babae para humiling na pagalingin siya ni Jesus. Si Jesus mismo, nang makita Niya ang babae ay tinawag ito at nang lumapit ay agad Niyang pinagaling. Makitid ang isip ng puno ng sinagoga. Para sa kanya mali ang ginawa ni Jesus dahil bawal iyon sa araw ng pamamahinga. Binuksan ni Jesus ang kanilang mapurol na isip: kung paanong hindi bawal na magpainom ng baka sa araw ng pamamahinga, mas higit na hindi bawal ang magpagaling ng maysakit na tao.
Hanggang ngayon ay may pagkalito sa kung ano talaga ang mas mahalaga. Totoo na dapat kaawaan at hindi pahirapan ang mga aso at hayop. Pero mas higit na hindi dapat pahirapan ang kapwa tao: kaya mali at mabigat na kasalanan ang abortion, mabigat na kasalanan ang hindi pagbibigay ng sapat na sahod, hindi makatarungan ang pagpatay sa kapwa kahit gaano pa kabigat ang kanyang krimen. Hindi tama ang hindi pantay na pagtingin sa kapwa dahil sa kanyang kulay, tribu, relihiyon at kapansanan sa katawan. Nawa’y huwag tayong mabansagan ni Jesus na, “Mapagkunwari!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022