Ebanghelyo: Lucas 12:54-59
Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahulihulihang sentimo.”
Pagninilay
“Mga mapagkunwari.” Bakit kaya tinawag ni Jesus ang mga tagapakinig na mapagkunwari? Dahil sila ay nagbubulag-bulagan. Sa kaibuturan ng kanilang puso alam nila kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Pero ang kanilang pagkilos ay labag sa dapat gawin. Ginagawa ang mali at tinatanggihan ang tama. Hindi na natuto.
Katulad sila ni San Agustin, obispo ng Hippo. Alam niya na mali ang kanyang pamumuhay at nagdarasal din siya pero ang panalangin niya ay ganito: “Panginoon, gawin mo akong malinis, pero huwag muna.” Ayan, ipinakikita na kung susundin ang sariling gusto, alam kung ano ang tama pero ayaw gawin. Paano yan? Kung paanong dapat makipag-areglo bago dumating sa hukuman, dapat ding magdesisyon at kumilos na. At dahil hindi nga kaya kung aasa na lamang sa sarili kailangang humingi ng tulong sa Diyos. Kung babaguhin ang panalangin ni San Agustin, magiging ganito: “Panginoon, gawin mo akong malinis, pero ayaw ko, tulungan mo ako!”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022