Ebanghelyo: Lucas 18:1-8
Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.”
Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Pagninilay
Mahirap makaranas ng pangaapi. Napakasarap gumanti. Kahit papaano ay nakabawi. Pero mapayapa? Hindi! Naroon pa rin ang perwisyo at galit bunga ng pang-aapi sa kanya. Nadagdagan pa nga dahil sa pagganti. “Buti nga sa kanya. Ano ako, pipitsugin?” Nagalit din ang ginantihan. Suma total, nadagdagan ang galit at ang perwisyo. Tapos na? Hindi, dahil baka gumanti rin ‘yong ginantihan. Sabi nga: ubusan ng lahi.
Kaya meron tayong batas at korte. Ang pamahalaan ang pumapasok sa usapan upang maigawad ang katarungan ayon sa batas. Kaya may kasabihan: Huwag ilalagay sa sariling kamay ang batas. Pero mas dakila ang paraan na ginawa ni Jesus. Hindi Siya gumanti. Alam Niya na walang taong perpekto. Kaya sa krus, bago Siya mamatay, ipinanalangin Niya sa Ama na patawarin ang mga nagpahirap, nagpapako at pumatay sa Kanya. Totoo na Siya ay tuluyang namatay. Pero namatay Siya nang payapa at may pag-ibig sa Kanyang puso. At pagkatapos ng tatlong araw muli Siyang binuhay ng Ama upang hindi na muli mamatay kailanman. At lahat ng sumampalataya sa Kanya ay magkakaroon din ng buhay na walang hanggan.
Kung ang isang tao ay nagpapatawad at ipinauubaya sa Diyos ang paggawad ng katarungan, ang kanyang puso, tulad ng kay Jesus ay magiging mapayapa habang siya ay nabubuhay. Batid din niya na ito rin ang ninanais ng Diyos, kaya siya ay pagpapalain. Ihambing ito sa isang tao na hindi nagpatawad. Bawat sandali ng kanyang buhay ay magulo sapagkat nasa kanyang puso ang poot. Walang taong mapayapa kung napopoot. Buhay pa siya pero patay na ang kulay ng buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022