Ebanghelyo: Lucas 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat muna kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari.
Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman, ang sinabi ninyo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong ninyo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag.
“Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag ninyong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawa pa. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ang katakutan ninyo.
“Di ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Subalit isa man sa kanila’y di nalilimutan ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.”
Pgninilay
Dalawa ang mahahalagang pananalita ni Jesus sa ating nabasa: “matakot kayo,” at “huwag kayong matakot.” Kanino matatakot? Matakot kayo sa Diyos! Ito ang turo ng Lumang Tipan. Kung magiging tapat at masunurin sa utos ng Diyos, kayo ay pagpapalain, sasagana ang buhay at ipagtatanggol sa mga kaaway. Pero, kaiingat ka, pag ikaw ay sumuway sa Kanyang mga utos lulupigin ka ng mga kaaway at parurusahan hanggang kaapu-apohan.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Jesus, “huwag kayong matakot.” Ano ang nasa likod nito? Mahal kayo ng Diyos, hindi pababayaan ni kalilimutan kailanman. Ito naman ang larawan ng Diyos na ipinakita ng buhay at halimbawa ni Jesus. Paano natin katatakutan ang nagbigay ng Kanyang Anak, na nag-alay ng Kanyang buhay mailigtas lamang tayo sa kasalanan at sa kamatayan?
Lumapit tayo sa Ama na nagbibigay ng ating kakanin sa arawaraw, na nagpapatawad ng ating mga kasalanan at naglalayo sa atin sa tukso. Salamat at patuloy tayong nabubuhay. Salamat at mayroon tayong mgamahal sa buhay. Salamat sa hanap-buhay. Ang pusong nagpapasalamat ay hindi natatakot bagkus lalo pang nagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022