Ebanghelyo: Lucas 11:42-46
“Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.
Pagninilay
Bakit sawimpalad ang mga Pariseo? Sapagkat sila ay nabubuhay sa kasinungalingan na pinalalabas nilang katotohanan. Sino ang kanilang niloloko? Sarili. Tinitipid ang sarili. Sinusunod ang maliliit na utos dahil madaling gawin at isinasantabi ang mas mahahalagang utos. Ang utos lalo na kung galing sa Diyos ay para sa ating kagalingan. Pagbigat ng utos, paglaki ng pakinabang kung sinusunod dahil ang nakasalalay ay mas mahahalagang bagay. Bakit sawimpalad ang mga guro ng Batas? Niloloko rin nila ang sarili, niloloko pa ang iba. Akala nila dahil sila ang nagpapatupad ng batas, hindi sila saklaw ng batas. Ang batas ay para sa ikabubuti ng sarili at kapwa. Kung hindi sinusunod ang batas, sarili ang nalulugi. Dagdag pa rito may mga batas na hindi kasing bigat pero pinalalabas na totoong mabigat. Dapat sila ang nagbibigay halimbawa ng pagtalima sa mga mahahalagang batas. Sa ganoong paraan, mapabubuti ang sarili at ang kapwa. Tagapagpasunod at tagasunod, parehong dapat tumalima para sa pansariling kagalingan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022