Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas.
At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila.
Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Tuwiran na sinabi ni Jesus sa mga nakikinig sa kanya: “Masama ang lahing ito!” Bakit? Gumawa ba sila ng masama, nanlamang sa kapwa o kaya’y nagsinungaling? Hindi. Pero meron silang ginawa na hindi nagustuhan ni Jesus: Humihingi sila ng palatandaan upang maniwala sa kanya. Ano ang masama sa palatandaan? Ang paghingi ng palatandaan upang sumampalataya ay salungat sa isa’t isa. Ang pananampalataya ay paniniwala hindi dahil sa palatandaan kundi dahil nagtitiwala na ang sinasabi ng nagsasalita ay totoo. May dahilan ba upang sumampalataya kay Jesus at magtiwala na hindi siya nagsisinungaling? Oo, sapagkat si Jesus ay Anak ng Diyos, kaya lahat ng sinasabi Niya ay totoo. Kaya lamang, hindi matanggap ng Kanyang mga tagapakinig na Siya ay Anak ng Diyos kaya maniniwala lamang sila kung Siya ay may palatandaan na hindi matatanggihan.
Pumayag na rin si Jesus na magbibigay ng palatandaan. Pero mas hindi kapani-paniwala at mas mahirap tanggapin ang tinutukoy Niya: na Siya ay mamamatay ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muling mabubuhay. Aba! mas malalim na pananampalataya ang kailangan dito. Wala tayong patutunguhan kundi ang magpakumbaba at magsumamo: “Panginoon, tulungan mo po kami na sumampalataya!”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022