Ebanghelyo: Lucas 17:11-19
Habang papunta si Jesus sa Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Samaria sa Galilea.
At pagpasok niya sa isang nayon, may sampung lalaking may ketong ang lumabas para salubungin siya. Tumayo ang mga ito sa malayo at tumawag nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin.”
At sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Umalis kayo at humarap sa mga pari.” At nangyari na gumaling sila habang naglalakad. Isa sa kanila ang agad na nagbalik nang makita niyang gumaling siya, at pasigaw niyang pinuri ang Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus, sa pagpapasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.
Kaya sinabi ni Jesus: “Di ba’t sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang bumalik para magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumayo ka, iniligtas ka ng iyong pananampalataya.”
Pagninilay
Ang kasaysayan ng sampung ketongin ay kasaysayan nating lahat. Hindi lahat ay may ketong, pero lahat ay nagkakasakit. Tayo rin ay gumaling kaya tayo ngayon ay buhay pa. Ano ang sinasabing mga dahilan kaya daw gumaling? May nagsabing magaling ang kanyang doctor; mabisa ang niresetang gamot; malakas ang resistensya at may nagsasabi na dala ng swerte. Sa lahat ng ito wala sa eksena ang Diyos. Hindi man lamang naisip na kaya gumaling ay dahil kinaawaan ng Diyos. Paano nga magpapasalamat? Mayroon din naman na gumaling at kanyang sinabi na mahusay ang doctor, mabisa ang gamot, malakas ang kanyang resistensya. Pero higit pa sa roon, inamin niya na kaya siya gumaling ay dahil kinahabagan siya ng Diyos. Kaya’t lubos siyang nagpapasalamat.
Mayroon namang nagpapasalamat dahil kahit wala silang pera, hindi siya nagkasakit. Meron namang nagkasakit, walang pera, mayroon namang nagpahiram. Meron namang noong magkasakit ay may basta na lamang dumating na pera. At merong nagkasakit, walang pera, walang gamot pero gumaling. Sa mga ito, tinanggap na kumilos ang mahabaging Diyos. Nasaan tayo sa mga halimbawang nabanggit sa itaas?
Anong meron sa nagpapasalamat sa Diyos na wala sa hindi nagpapasalamat? Kapanatagan ng loob. Alam niya na Diyos talaga ang nagpapagaling at ang ibang tao at bagay ay kasangkapan lamang ng Diyos. Bunga nito ang kanyang puso ay nagiging katulad ng puso ni Jesus. Siya rin ay nagiging mahabagin, mapagpasensya sa init ng ulo ng maysakit, nag-aabot ng tulong ayon sa nakayanan. Dumadalaw din sa mga maysakit at sila ay kaniyang ipinagdarasal. Maging ganun din nawa tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022