Ebanghelyo: Lucas 9:57-62
Habang naglalakad sila, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama’y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo.” At sinabi naman niya sa isa: “Sumunod ka sa akin.” Sumagot naman ito: “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.
”Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” Sinabi naman ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”
Pagninilay
Si San Lorenzo ay pinapili kung kaligtasan ng buhay niya o isusuko niya ang kanyang pananampalataya kay Jesus. Maraming puwedeng idahilan para bitawan niya si Jesus. Mayroon siyang asawa at anak na naghihintay sa kanyang pagbabalik. Hindi na rin siya makakaranas nang pagpapahirap mula sa mga humuli sa kanya. Pero, isang matapang na sagot dahil sa pananampalataya ang kanyang binitiwan. “Isang libo man ang aking buhay, isang libo ko rin namang ibibigay para sa Diyos.”
Sa Ebanghelyo, patuloy na tumatawag si Jesus na sumunod sa kanya. Sumunod, hindi lamang sumama sa kanyang pupuntahan, kundi sumunod hanggang kamatayan sa Krus. Sumunod at handang iaalay ang buhay. Ang tanong, hanggang saan nga ba natin kayang panindigan ang pagsunod natin sa tawag ni Jesus? Nawa’y katulad ni San Lorenzo, magawa nating maging matapang na hindi matakot sa anumang pagsubok at mga suliranin. Panghawakan natin ang pangako ni Jesus na hindi Niya tayo pababayaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022