Ebanghelyo: Lucas 8:19-21
Pinuntahan naman siya ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Pagninilay
“Blood is thicker than water.” Ang kasabihang ito ay nangangahulugan na sa huli magiging mas matimbang pa rin ang kadugo. ‘Pag sinabi nating kadugo, ito ay ang ating kapamilya. Mahalagang suriin natin ngayon ang sitwasyon ng bawat pamilya. Kumusta ba ang pakikitungo natin sa bawat isa sa tahanan? Pinapahalagahan ba natin ang ating ugnayan bilang pamilya? O dahil na lamang sa “dugo” kaya natin nasasabi na tayo ay isang pamilya?
Sa Ebanghelyo, narinig natin na dinalaw si Jesus nang kanyang Ina at mga kapatid na babae. Kinuha ni Jesus ang pagkakataon upang ipaliwanag na mayroon pang isang mas higit na mahalaga na magpapatibay sa atin bilang isang pamilya. Higit pa sa pagiging magkadugo. Ito ay ang kung ang bawat isa ay matututong makinig at magsabuhay ng mga turo ni Jesus. Wala nang mas magpapatibay pa sa ating pamilya kundi ang Salita ng Diyos. Ito ang dapat nating panghawakan at sandalan kung nais nating maging matibay ang bawat pamilya. Muli nating panumbalikin na maging kadluan natin ng lakas at inspirasyon ang pamilya, lalo sa panahong ito na marami ang nalulungkot dahil mismo sa kanilang pamilya. Tayo ay ang pamilya ng Diyos, kaya kumapit tayo sa kanyang mga Salita.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022