Ebanghelyo: Lucas 7:1-10
Matapos ituro ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan niya ito. Pagkarinig niya tungkol kay Jesus, nagpapunta siya sa kanya ng mga Matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. Pagdating ng mga ito kay Jesus, taimtim nila siyang pinakiusapan: “Marapat lamang na pagbigyan mo siya; mahal nga niya ang ating bayan at siya ang nagpatayo ng aming sinagoga.”
Kaya kasama nilang pumunta si Jesus. Nang hindi na siya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa; hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay. Kaya hindi ko man lang inakalang nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko. At kung iutos ko sa isa, ‘Umalis ka,’ umaalis siya; at sa iba naman, ‘Halika,’ at pumaparito siya. At pag sinabi kong ‘Gawin mo ito,’ sa aking katulong, ginagawa nga niya ito.”
Humanga si Jesus pagkarinig niya nito. Lumingon siya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig!” At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
Pagninilay
Kahanga-hanga ang ipinakita ng isang kapitan na binabanggit sa Ebanghelyo. Hinangaan ni Jesus hindi lang ang kanyang pananalig, gayundin ang malasakit niya sa kanyang katulong. Magandang pagnilayan kung paano natin pinakikitunguhan ang ating mga “katulong”. Pag sinabing katulong sa panahon noon, ito ay isang alipin o tagapagsilbi. Maaaring binili o kaya naman ay pinulot ka lang. Kaya’t ituturing kang pag-aari ng isang tao. Ang isang alipin ay wala ring karapatan. Kung ano ang ipagutos ng panginoon, iyon ay dapat sundin. Walang halaga ang buhay ng isang alipin. Subalit ang kapitan ay nagpakita ng pagmamalasakit sa kanyang alipin sa pamamagitan nang paglapit at paghingi ng tulong kay Jesus na pagalingin ito. Pagpapakita rin ito ng kapakumbabaan sa kanyang katayuan sa lipunan. Dahil doon, pinagaling niya ang alipin nito. Paano ba natin ituring ang mga “katulong” natin sa bahay o maging ang mga kasambahay, trabahador at empleyado natin? Nawa ang kuwento sa Ebanghelyo ay magdala sa atin tungo sa pagbabago ng pananaw at pakikitungo sa kapwa, lalo na sa mga taong nasasakupan natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022