Ebanghelyo: Lucas 15:1-32
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas:“Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsi-sisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
Sinabi pa rin ni Jesus: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na ninyo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. “Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ’yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya pumunta siya at namasukan sa isang tagaroon, at inutusan siyang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana niyang punuin kahit na ng kaning-baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo; ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa siya nang matanaw ng kanyang ama at naawa ito, patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo; hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin ninyo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya; suutan ninyo ng sinsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya, kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. “Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang nangyari. Sinabi nito sa kanya: ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi niya siyang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Sumagot naman siya sa ama: ‘Maraming taon na akong nagsisilbi sa inyo at kailanma’y di ko nilabag ang inyong mga utos pero kailanma’y di ninyo ako binigyan ng kahit na isang kambing na mapagpipiyestahan namin ng aking mga kabarkada. Ngunit dumating lamang ang anak ninyong ito na lumustay sa inyong kayamanan sa mga babaeng bayaran, at ipinakatay pa ninyo ang pinatabang guya.’ “Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan’.”
Pagninilay
I pinakita sa atin kung paano magmahal ang Diyos bilang Ama sa kanyang mga anak. Iba-iba man ang ugali ng mga anak, ang lahat ay inuunawa at minamahal ng Ama. Sa desisyon ng bunsong anak na kunin ang parte ng kanyang mana, walang pagtanggi tayong narinig mula sa ama. Malungkot ito para sa ama, ang hingin agad ng anak ang mana kahit siya ay buhay pa. Sa kuwento, matapos malustay at ubusin ang manang nakuha, doon lang natauhan ang bunsong anak. Siya ay humingi ng tawad at
nagbalik sa kanyang ama, na naghihintay sa kanyang pagbabalik.
Napakalaki nang pagmamahal ng ama sa anak na nagkasala. Ngunit
hindi ito ikinatuwa ng panganay na anak. Kung ikaw ang panganay na anak, susunod ka ba sa paanyaya ng ama na tanggapin ang kapatid na nawala at muling nagbabalik? Papasok ka ba ng bahay? Kung papasok ka, nangangahulugan ito na tatanggapin at kikilalanin mo muli siya bilang kapatid at kapamilya. Marahil, sinadyang hindi tapusin ang kuwento. Hanggang ngayon, ito pa rin ang kwento natin. Papasok ka ba o hindi? Ikaw na nakababasa nito ay ang siyang magtutuloy o magtatapos ng kuwento. Mananatili ka bang matigas at hindi tatanggapin ang isang kapatid na nagkamali? Sa huli, ang paanyaya sa atin ng Ama ay maging maunawain at mapagpatawad. Nauunawaan ng Diyos ang ating mga pagkakamali dahil sa ating pagiging mapusok. Pero, hindi na iyon ang tinitingnan ng Diyos
kapag natututo tayong magbalik at humingi ng tawad. Papasok ka ba o
hindi?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022