Ebanghelyo: Lucas 6:39-42
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.
“Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”
Pagninilay
Bilang pari, napakalaking responsibilidad ang nakaatang sa kanyang balikat. Kailangan siyang maging gabay at tagapagturo sa mga taong kailangan niyang i-pastol. Sa kanya nakasalalay ang ikabubuti o ikapapahamak ng kanyang kawan. Kaya’t kailangang seryosohin ang iba’t ibang aspeto ng paghuhubog sa seminaryo. Upang pagdating ng panahon, maging handa sa anumang kakaharapin.
Ito ang binibigyang diin ni Jesus sa Ebanghelyo habang kausap ang mga alagad. Mahirap magturo at magsabi ng mga mali kung tayo mismo ay hindi natin makita kung ano ang mabuti sa masama. Mahirap maging taga-akay ang isang bulag. Marami ang nalilito at naguguluhan sa kung ano ang dapat sundin at marami rin ang nagtuturo ng mga mali. Kaya naman napakaraming kaguluhan tayong nararanasan sa kasalukuyan. Maraming gustong maging magaling, pero nabubulag dahil sa kapangyarihan, kayamanan at kasikatan. Makinig tayo kay Jesus at matuto sa kanyang mga aral at gawa. Nang sa gayon, maging nararapat din tayong taga-akay at tagapagturo tulad ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022