Ebanghelyo: Lucas 5:33-39
Sinabi nila kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng mga Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”
Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alay sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti’.”
Pagninilay
Nang panahon ng pandemya narinig natin ang salitang “new normal”. Kailangang mabuhay ang tao, kung kaya’t kinailangang mamuhay kasabay ng covid-19.
Ito rin ang panawagan ni Jesus sa Ebanghelyo, ang mabuhay sa “new normal”. Hindi na pwede ang dating pangit na ugali. Kung gusto nating mabuhay habang may pandemya, bawal ang tatamad-tamad. Hindi tutugma ang lumang ugali sa bagong panahon. Marami ang nakasurvive dahil mas sinipagan pa nila at umisip ng mga bagong diskarte. Ang mga ayuda na natanggap ay ginamit sa tama. May ibang hindi binago ang mga pamumuhay nila. Pagkatanggap sa ayuda, diretso bili ng alak at agad ginastos ang pera sa pagaakalang may susunod pa. Kailangan nating matutong mag-adjust at magadopt sa makabagong pamamaraan, sapagkat ito ang tawag ng panahon. Walang mangyayari kung paiiralin ang mga luma at pangit nating paguugali. Kahit kailan hindi naman nagpapabaya ang Diyos. Tayo ang madalas nagpapabaya sa mga biyayang ibinibigay niya sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022