Ebanghelyo: Lucas 4:31-37
Bumaba siya sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan.
May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan.
Nagtaka ang lahat at nag-usapusap sila: “Ano ito? Nakapaguutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Paninilay
Marami sa mga nakasaksi sa tagpong ito sa Ebanghelyo ay namangha sa paraan ng pagsasalita ni Jesus. Nakakapagutos siya ng may kapangyarihan at sinusunod maging ng mga masasamang espiritu. Isang bagay na magandang matutunan natin ay ang suriin ang paraan natin ng pananalita o pakikipag-usap sa kapwa. Kapag nagsasalita si Jesus, talagang mararamdaman natin ang katotohanan sa kanyang sinasabi. Minsan masakit may kurot, ngunit mararamdaman mo ang kanyang pagmamahal at pag-aalala. Hindi niya sinasabi ang mga bagay dahil siya’y galit, kundi dahil sa labis niyang pag-aalala at ayaw niyang mapahamak ang tao. Ganun din nawa ang ating pagsumikapang tularan. Hindi lang basta magsalita dahil tayo ang nasa posisyon at kapangyarihan. Maraming tao ngayon ang naguguluhan. Marami ang naliligaw dahil mali sila ng mga taong pinakikinggan. Maraming tao ang magaling magbitaw ng mga pangako, pero puro lang sila pawang salitang hindi naman totoo. Kadalasan, nagsasalita lang pero hindi nakikita sa kanilang mga gawa. Patuloy nating hingin kay Jesus na nawa’y ang mga taong naatasang manungkulan sa bayan ay magkaroon ng integridad sa kanilang mga winiwika.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022