Ebanghelyo: Lucas 12:32-48
“Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang Kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at maglimos. Gumawa kayo ng mga pitakang di naluluma, kayamanang di mawawala na nasa Diyos. Wala nga roong makalalapit na magnanakaw o makasisirang kulisap. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.
“Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating niya at pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon! Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.”Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?”
Sumagot ang Panginoon: “
Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di niya inaasahan at sa oras na di niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat.
“Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”
Pagninilay
Sa simula pa lang ay lagi tayong pinaalalahan tungkol sa katotohanan na ang tao ay isisilang at pagdating ng takdang panahon siya ay mamamatay. May hangganan ang lahat ng bagay sa mundo, lalo’t higit ang buhay ng tao.
Tayo ay muling pinaalalahanan ng Ebanghelyo na huwag matakot o kaya’y balewalain ang tungkol sa kamatayan. Walang nakakaalam sa oras o araw nang pagdating nito kaya dapat lagi tayong handa. Habang binabalewala natin ito, lalo tayong nagiging pabaya. Pabaya sa ating kalusugan, lalo na sa ating buhay- espirituwal. Kaya mahalaga na hindi tayo dapat na matakot. Pero, bakit ba tayo natatakot? Nagnaknock on wood pa tayo kapag naririnig natin ito. Kapag nakakarinig pa tayo tungkol sa isang taong nagkasakit ay binigyan na agad natin siya ng taning sa buhay. Napapasabi ako na ‘buti pa siya alam na niya kung kailan. Makakapaghanda pa o kaya’t may panahon pa para sa mga bagay na dapat nating ayusin. Mga tao na dapat kausapin at mga relasyon na dapat buuin. Mga pagmamahal na dapat ipadama at lalo’t higit ang pagkakataon na makahingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa sa kapwa at sa Diyos.
Hindi kailanman nagkulang ang Diyos sa pagpapaalala sa atin. Kailangan nating balikan ngayon pa lang ang mga pagkukulang natin habang may pagkakataon pa. Hindi rin dapat katakutan ang kamatayan. Ito ay dapat nating paghandaan. Sa taong laging handa, walang dapat ikatakot. Sa taong handa, may nakalaan na kaligayahang naghihintay sa langit. Ngunit sa taong hindi handa may kalungkutan at kaparusahang naghihintay. Muli, ito ay isang paalaala sa atin na dapat nating seryosohin. Mahirap magsisi sa huli.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022