Ebanghelyo: Mateo 12:1-8
Naglakad noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi ba ninyo nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito?
Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala.
At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Unawain nating mabuti ang pagpapaliwanag ni Jesus sa mga tao, lalo’t higit sa mga Pariseo na sumita sa kanyang mga alagad tungkol sa kanilang paglabag sa ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga. Malinaw sa ikatlong utos ng Diyos na dapat igalang ang Araw ng Pahinga. Si Jesus na rin ang nagsabi na hindi siya naparito upang ipawalang-bisa ang utos kundi isabuhay ito. Ang mga Batas o Kautusan ay ibinigay para sa ikabubuti ng tao at sa ikaaayos ng kanyang ugnayan sa Diyos at sa kanyang kapwa. Nababalewala ang Batas kung ito ay nawawalan ng puso. Maiiwan na lang ito sa puro bawal.
Ginawa at ibinigay ng Diyos ang mga Batas dahil sa kanyang pagmamahal sa tao. Kaya kung walang puso, wala ring saysay ang mga batas na ipinapatupad. Kung walang puso, walang halaga ang pagsunod natin dito. Kung may puso ang pagpapairal nito, mas mauunawaan natin ang kalagayan ng bawat isa. Hindi lang tayo basta naninita, nanghuhuli sa mga lumalabag sa batas, kundi mas nauunawaan nating mabuti kung ano ang pinanggagalingan ng ating kapwa kung bakit siya lumabag sa batas. Ang bawat lumalabag sa batas ay dapat na may pagtanggap, pagharap sa kanyang pagkakamali, at pagtatama rito. Huwag nawang mawala sa atin ang pagiging mahabagin habang ipinapatupad at isinasabuhay ang batas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022