SUMALANGIT*
(Inspirasyong halaw mula sa (Ingles na) polyetong ipinamahagi sa burol ni Kuya George Kojima, kaibigan at kapwa gradweyt ng PREX, para sa ika-40 araw ng magiliw na paggunita sa kanyang paglisan noong Oktubre 19, 2015)
Kung makagagawa ako ng sulat para sa inyo
Kay rami kong sasabihin, kay raming gawain dito
May anghel sa bawat sulok, masigabo ang ganda
Noong ako ay dumating, Diyos mismo ang nag-estima
Sinalubong ako ng di-magkamayaw na tuwa
Mula sa nangakangiting walang edad pawang bata
Hawak-kamay kawing-kawing mula sa palad ng Poon
Kasiyahang may awitan at musika ng orasyon
Tinangka kong bigyan sila ng balitang tanda ko pa
Samut-saring pangyayari bago iniwan ng hinga
Ngiti ang kanilang tugon walang tanong maski isa
Lahat sila sa pagdiriwang ng salubong ko abala
Pagkat sa langit ang hudyat ng katuwaan ay kapag
May umakyat na kaluluwang sasalubungin ng yakap
Ng di-mabilang na ama, ina, anak, kamag-anak
Lahat sila ay iisa ang hangad na aking galak
Pagkat sa langit ang lungkot na alaala na lamang
Kagyat napapawi kasama ng dating kasalanan
Ang naiwang kaibigan, pamilya at kaulayaw
Ngayo’y kapiling na sa bahay, walang luha, walang lumbay
Magsasabi sana ako ng pag-ibig ko sa inyo
Bago ang oras ng paglisan ay wala pang segundo
Pasasalamat din sana sa pag-ibig na nadama
At kabutihang natanggap mula sa inyong balana
Lahat kayo ginigiliw hanggang sa sandaling hindi
Ko na masabi’t magawa ang mga nais at mithi
Kaya ayokong madama at lalong makita muli
Ang mga luha ng lungkot na sa inyo ay sumagi
Kaya aking kinausap ang mabait na Maykapal
Na tulutang ipahayag man lamang sa isang liham
Ang kalagayang di na dapat sanhi ng agam-agam
Ang langit ay lubhang ginto ningning ay ubod ng kinang
Dito’y walang karamdaman, sakit o anumang pait
At pagtanda ay isang bagay na hindi naiisip
O nangyayari dahil ang mga bulaklak at bukid
Punung-puno ng kariktan siglang walang kahulilip
Sinabi ko sa ating Diyos ang tungkol sa mga mahal
Kong naiwan na sana’y huwag Niya kayong pabayaan
Niyakap Niya ako sabay ng pagsasabing darating
Ang araw na tayong lahat di na paghihiwalayin
At ipinaabot din Niya ang pag-ibig Niya’t lakas
At dadalhin Niya raw kayo sa sandaling inyong tatag
Ay dumaan sa pagsubok at humina sa pagtawag
Sa awa Niyang kailanman ay mananatili nyong hawak
Ingatan nyo ang alaala ng ating pagsasama
At magsilbing lakas nawa ang gunitang masasaya
Laging naririto ang tahanang sa atin lang laan
Gawing banal at busilak ang buhay bilang paraan
Upang dalangin ko’y maging sa inyo’y magsilbing daan
Sa pagkikita-kita natin nang walang alinlangan
Ang pag-ibig at tuwang sa akin inyong inihandog
Gayundin ang dalangin kong sa inyo’y ipagkaloob
Ituloy nyo ang halakhak huwag hayaang luha lamang
Ang maging alaala ko na sa inyo ay iniwan
Hanggang ang tahanang aking ngayo’y banal na tirahan
Maging tuwang naghihintay sa ating pagmamahalan.
*Sulat mula sa Langit
by ABRAHAM DELA TORRE