Ebanghelyo: Lucas 2:41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang.
Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya.
Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.
Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
Pagninilay
Madaling tanggapin ang misteryo ng Kalinis-linisang Puso ni Maria. Ang sinumang nagmahal at nagdusa dahil sa pagmamahal na iyon ay tiyak na nakaranas ng pagdadalisay ng kanyang katauhan. Ganito ang tinutukoy ng Unang Pagbasa. Ang pagsibol ng supling mula sa mga inihasik na binhi sa lupa ay larawan ng kagalakang bunga ng “pagkamatay at muling pagkabuhay” ng binhi. Ang damit ng kaligtasan at balabal ng katarungan ay nagpapahiwatig din ng pinagdaanang hilahil na humantong sa tagumpay.
At higit na malinaw na pagsasalarawan ang tagpo sa ebanghelyo. Nawaglit ang Batang Jesus. Lubhang nagdusa ang mga magulang Niya. Ang binitawang tanong, “Hindi ba ninyo alam…” ay ang malalim na paanyayang kapwa tinanggap nina Jose at Maria nang may buong loob at tapat na pananampalataya. At tungkol sa ating Mahal na Ina ay sinabi ng may-akda, “Iningatan… ang lahat ng ito sa kanyang puso”. Ang dalisay na puso ni Maria ay lalo pang pinadalisay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022