Ebanghelyo: Juan 16:5-11
Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito.
Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis, hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol.
Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagninilay
Apat na taong gulang ako nang simula kong naranasan ang lungkot at pangungulila sa aking mga magulang. Ngayon ko nauunawaan ang saysay at halaga ng ganitong karanasan sa buhay. Tulad na lang ng mga alagad ni Jesus na lubhang nalungkot nang ipagtapat Niyang aalis Siya at babalik na sa Ama.
Sa tuwing iiwanan ako ng aking mga magulang para alagaan ang kapatid kong maysakit sa malayong lugar, maghihintay ako sa kanilang pagbalik sa pangangalaga ng aking lola. Kapag nagpaalam na ang aking ama, hahawakan kong mahigpit na mahigpit ang kanyang kamay. Patutulugin naman niya ako para sila makaalis. Sa mga pagka-kataong ito na tumagal din ng ilang taon, ngayon ko lang natuklasang marami pala akong natutuhan sa piling ng aking lolo at lola. Nakikita ko ngayong kasama ito sa plano ng Diyos para sa akin.
Ang lindol na yumanig sa pinag-kukulungan nina Pablo at Silas ay humantong sa pagpapabinyag ng bantay at ng buo niyang pamilya. Laging may paraan ang Diyos upang malaya tayong makatupad ng kalooban Niya. Bahagi ng plano Niya ang paggabay at pagpapatibay ng Espiritu Santo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022