Ebanghelyo: Juan 15:26 – 16:4a
Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At mag papatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.
Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
Pagninilay
“Sinabi ko ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod o mahulog.” Ganyan ang pangangalaga ni Jesus sa mga nagmamahal at nagtitiwala sa kanya. Binibigyan tayo ng babala; itinuturo sa atin ang mga panganib; ipinapakilala sa atin ang kaaway at binibigyan tayo ng dunong at lakas upang mapagtagumpayan ang lahat ng hadlang at pagsubok. Gayunpaman, marami pa rin tayong hindi maiiwasang pagkakamali at patibong. Sapagkat bahagi ng pagsasanay at paghahanda ang mga kabiguang dadalisay sa ating pagsisikap, mga pagbagsak at pinsalang magpapatibay sa ating pasya na mahigitan ang ating karupukan upang ipakita sa mundo na hindi sa ganang atin ang tagumpay kundi sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ni Jesus na muling nabuhay.
Si Lydia sa Unang Pagbasa ay halimbawa ng mga “may takot sa Diyos” na hindi umasa sa sariling kahusayan. Wika ni Lydia, “Kung sa tingin ninyo’y tapat ako sa Pa-nginoon…” at buo ang loob na na-hikayat sina Pablo upang tumigil sa kanyang tahanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022