Ebanghelyo: Juan 15:18-21
Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo.
Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.’ Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Gagawin nila sa inyo ang lahat ng ito dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.
Pagninilay
Masigasig na masigasig si Pablo sa pagpapahayag ng Mabuting Balita at pagtatatag ng Iglesya sa iba’t ibang lugar. Malinaw sa salaysay na nakikinig si Pablo sa mga iminumungkahi sa kanya at sumusunod siya sa udyok ng Espiritu Santo. Kaya nga may mga lugar na binalak nilang puntahan ngunit hinadlangan ng Espiritu Santo. At ang Macedonia na wala sa plano ay pinuntahan nila dahil sa pahiwatig ng isang panaginip.
“Hindi kayo makamundo…” ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo dahil ang pamantayan ng pagpa-pasya at pagkilos ay hindi batay sa tagumpay at pakinabang kundi tanging sa plano at kalooban ng Diyos. Inihahanda at tinuturuan tayo ni Jesus dahil nais Niyang makaya nating harapin ang kapootan, usigin at pahirapan dahil hindi natin kakampi ang mundo. Habang pansamantala tayong nabubuhay sa mundo, hindi tayo maaring malingat at baka mahawa tayo sa gawing-makamundo. Bukod sa pagiging mulat na ang tahanan natin ay hindi dito, kailangan din ng pag-iingat na huwag malinlang ng katutubong hilig ng ating pagkatao na makiisa sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022