Ebanghelyo: Lucas 11:14-23
Minsa’y nagpapalayas si Jesus ng demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng tanda galing sa langit.
Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
“Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian.
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.”
Pagninilay
May mga taong ayaw lang talaga sa atin, at may mga taong ayaw rin natin. At kahit na anong gawin nila o gawin natin, hindi ganoon kadaling maalis ang pagkainis. Sa Ebanghelyo ngayon, para bagang wala nang tamang ginawa si Jesus. Noong pinagaling niya ang mga maysakit, pinalakad ang mga lumpo, pinatawad ang ka-salanan ng mga tao, pinag hihina-laan pa siyang kaanib ng demonyo. Minsan, ganoon din tayo sa iba.
Pero kahit na ano man ang sit-wasyon, patuloy tayong inaanya-ya han ni Jesus na maging bukas at magmahal – sa lahat! Alam natin na hindi ito isang madaling gawain. Ngunit kung totoo ngang tagasunod tayo ni Jesus, dapat nating sundin ang kanyang mga yapak, kahit na ito ay mahirap. Hilingin natin kay Jesus na matanggal ang mga nakaharang sa ating mga mata, para makita natin ang ating mga kapatid at hindi ito matatabunan ng anumang inggit o pagkainis.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022