Ebanghelyo: Lucas 5:1-11
Minsan, dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo nang kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao.
Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon.
Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon.
Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
Pagninilay
Ang mga pagbasa sa linggong ito ay nagpapaalala sa mga papel na ginagampanan natin sa plano ng Diyos para sa mundo. Tayong lahat ay mga disipulo ni Jesus, sa kabila ng kung sino tayo, o ano man ang ginagawa natin sa buhay. Bilang mga binyagang Katoliko, tayo ay kasama sa gawain ng pagpapalaganap ng salita ng Diyos at pagsisilbi sa kapwa.
Maraming beses din nating narinig ang reaksyon ng maraming Katoliko kapag sila ay iniimbitahan na maging aktibong miyembro ng Simbahan. Kada-lasan ang mga reaksyon ay: “Hindi ako karapat-dapat na maging isang taga-paglingkod ng Simbahan.” “Busy ako ngayon. Napakaraming mga gawain na dapat kong gampanan.” Ngunit sino nga ba sa atin ang karapat-dapat na maging mga lingkod ng Panginoon? Sa totoo lang, wala! Dahil lahat tayo ay makasalanan. Lahat tayo ay may naga-wang mali. Sa tatlong pagbasa ngayon narinig na tin ang kwento nina Isaias (isa sa mga pinakadakilang propeta sa Lumang Tipan), San Pedro at San Pablo (dalawa sa pinakadakilang mga apostol ni Jesus sa Bagong Tipan), at ang kanilang pagpapahayag ng kanilang pakiramdam na hindi sila karapat-dapat maglingkod sa Panginoon. Lahat sila ay may iisang pa-niniwala: Ang Diyos ay banal, sila ay hindi.
Sa gitna ng pandemya, namahagi ang pamilya Dela Peña sa Dubai ng 200 pagkain araw-araw para sa mga nawalan ng trabaho. Hindi sila mayaman, sa katu-nayan, mga ordinaryong manggagawa lang din sila. Ngunit narinig nila ang tawag ng Panginoon na maglingkod sa kapwa. Tumugon sila sa tawag na maging totoong disipulo. Hindi kailangan malaki ang ibahagi. Ang mahalaga ay nagba-hagi ka, pera, oras o buhay mo man.
Kung tutuusin, wala naman tala gang tinawag ang Panginoon na magsilbi sa kanya na dati nang banal. Lahat ay may pagkukulang. Lahat ay may kasalanan. Pero hindi ito ang tinitingnan ni Jesus. Ang tinitingnan ng Diyos ay ang ating mga puso. Bigyan natin ng panahon ang Diyos sa paglilingkod natin sa kapwa. Hindi kailangan magarbo o malaking proyekto – kahit simple lang, basta nang-galing sa ating puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022