Ebanghelyo: Lucas 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo ang ama niyang si Zacarias at nagpropesiya nang ganito: “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,dahil nilingap niya at tinubos ang kanyang bayan. Mula sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, ibinangon niya ang magliligtas sa atin, ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng mga banal niyang propeta: kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. Nagpakita siya ng awa sa ating mga ninuno at inalaala ang banal niyang tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway, upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, nang may kabanalan at katarungan sa harap niya sa buong buhay natin. At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa kanyang bayan sa pagpapatawad niya sa kanilang mga sala. Ito ang gagawin ng maawaain nating Diyos sa pagpapasikat niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.”
Pagninilay
Si Zacarias na napuno ng Banal na Espiritu ay nagpuri sa Panginoon sa kanyang kagalakan. Isaalang-alang natin na kahit sa panahong hindi pa isinilang ni Jesus ang Banal na Espiritu ay gumagalaw na. Sa una pumanaog ang Banal na Espiritu kay Maria, gayun din noong dumalaw siya kay Elizabeth, gumalaw ang bata sa sinapupunan ni Elizabeth nang may kagalakan, at ngayon ay pumanaog naman kay Zacarias. Ang Banal na Espiritu na ito ang gagabay kay Jesus sa buong buhay niya at kaagapay din Niya ito sa pagtupad ng kanyang misyon. Balikan natin si Zacarias, may dalawang bahagi ang kanyang awit ng papupuri sa Diyos. Una, ang katapatan ng Diyos sa pagligtas sa Israel. Pangalawa, ang maging buhay at misyon ng batang si Juan. Gaano tayo kabukas sa Banal na Espiritu sa ating buhay? Marami tayong magagawa at makakamit kung pahihintulutan lamang natin ang Banal na Espiritu na humimok at gumalaw sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021