Ebanghelyo: Lucas 1:57-66
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isipisip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
Pagninilay
Sa kabutihang palad, ang mga kapitbahay ni Isabel ay hindi mga tsismosa. Sa halip na pagtsismisan nila, isinalaysay ni San Lucas sa kanyang ebanghelyo na sila ay nakiisa sa kagalakan ng mga magulang ni Juan Bautista noong siya ay ipinanganak. Ang mga magulang niya ang nagbigay ng pangalan sa bata, hindi galing sa kapitbahay o kumare o lola. Pinangalanan nila siya na si Juan na nangangahulugang ang Diyos ay mabuti at mapagbigay. Binibigyan tayo ngayon ng halimbawa nina Zacarias at Elizabeth na pumili ng pangalan ng kanilang anak na may kaugnayan sa Diyos. Mahalaga ang pangalan dahil dadalhin ito ng tao hanggang sa kanyang kamatayan. Dapat maingat na isaalang-alang ng mga magulang ang pagpili sa sa pangalang ibibigay nila sa kanilang anak. Maaaring may hawig ang pangalan sa isang banal o santo, tulad ng ipinahihiwatig ng pangalang Pedro. Ang pagsilang ni Juan Bautista ay isa sa mga palatandaan na ang Diyos ay totoo sa kanyang pangako.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021