Ebanghelyo: Lucas 13:18-21
Sinabi pa ni Jesus: “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng langit.”
At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”
Pagninilay
Ang paglalakbay sa buhay ay dumadaan sa natural na proseso. Wala itong “short cuts”. Lahat tayo ay dumaraan sa pagkabata, gaya na ang malaking puno ay nagmumula sa buto na lumago, ang kotse ay nagmula sa mga pirasong bahagi na pinagdugtong ng mga inhinyero at mekaniko. Lahat ito ay nagmula sa Panginoon at may bahagi ang mga tao upang makumpleto ang proseso. Ang mga buto ng mustasa ay isang maliit na binhi at dapat itanim upang lumaki at maging isang malaking puno. Kailangan lang ng maraming paghihintay, pagtitiyaga, at pag-aalaga upang tumubo at lumago ito. Sa panahon ngayon, ano kaya ang mabuting kahihinatnan nang paghihintay at pagtitiis? Manalangin tayo, Panginoon, turuan mo po akong kilalanin ang mga buto ng pagbabagong-anyo na inilagay mo sa aking kalooban. Tulungan mo rin po akong maunawaan na ang kaharian ng Diyos ay ipakilala sa akin, at ipakilala mo rin po sa akin ang iyong presensya sa maliliit at pati na rin mga malalaking bagay ng aking buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021