Ebanghelyo: Lucas 9:51-56
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila? Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
Pagninilay
Ipinakita nila ang kahinaan ng pag-uugali ng mga alagad ni Jesus sa pamamagitan ng kanilang pagsasalita. Gusto nina Juan at Jaime na sunugin ang Samaria dahil hindi sila tinanggap nito. Ito ay isang eskandalo para sa pangkat ni Jesus. Gayun pa man, tinuturuan niya tayo na mahalin ang ating kaaway. Sa tuwing nais nating maghiganti sa mga taong gumagawa ng hindi maganda sa atin, lumapit tayo kay Jesus na may malambot na puso. Ang kanyang paraan ay ang paraan ng pag-ibig. Kaya mahalagang gawin natin ang lahat ng makakaya natin upang sundin ang kalooban ng Ama. Si Lorenzo Ruiz ay hindi nagsalita ng masama laban sa kanyang mga kaaway ngunit winika niya na kung mayroon man siyang isang libong buhay ay ihahandog pa rin niya ito sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021